Hiniling ng isang abogado sa Korte Suprema na magpalabas ng kautusan para agarang aksyunan ng Senado ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa petition for mandamus na inihain ni Atty. Catalino Generillo Jr. sa Mataas na Hukuman, hiniling na maglabas ng writ of mandamus upang ang mga senador ay bumuo ng impeachment court para agad na masimulan ang impeachment case na inihain ng House of Representatives laban sa Bise Presidente.
Una nang itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon na kinabibilangan ng iregularidad kung paano ginamit ang confidential funds na alokasyon sa kaniyang tanggapan at iginiit na ang impeachment ay bahagi ng partisan politics.
Nagpahayag naman ang ilang abogado, kabilang ang isang senador at isang dating associate justice ng SC, na maaaring kailanganin ng Korte Suprema na magpasya sa mga isyu na may kaugnayan sa impeachment, na tumalakay sa “forthwith” sa pagsasaagawa ng pagdinig matapos matanggap ng Senado ang articles of impeachment.
Binigyang-diin ni Generillo na sa probisyon ng impeachment sa Saligang Batas ay ginamit ang “forthwith,” na nangangahulugan na “immediately,” “at once,” “instantly,” “straight away”.
Sa petisyon, sinabi pa ni Generillo na ang mga senador ay hindi naman dumaranas ng anumang “disability, physical or mental” na pumipigil sa kanila para magpatawag ng impeachment court.
Sinabi ni Generilla sa kanyang mga petisyon na naniniwala siyang hindi pinapayagan ng Saligang Batas na “magpaliban” ang Senado sa panahon na ito ay nasa recess.
Saad din sa petisyon na bagamat recess aniya ang House at Senate, naniniwala siya na hindi pinahihintulutan ng Saligang Batas na ipagpaliban ang impeachment trial.