Hindi na raw nagulat si Ex-officio board member Maila Ting Que sa naging desisyon ng COMELEC 2nd Division sa pagbasura sa petisyon na humihiling na kanselahin ang Certificate of Candidacy ni Mayor Jefferson Soriano sa pagtakbo muli sa pagka-alkalde ng Lungsod.

Nag-ugat ang kaso sa petisyon ni Que laban kay Soriano dahil sa umanoy paglabag sa three- term limit rule gayong itinatakda ng Saligang Batas na hanggang tatlong termino o siyam na taon lang dapat ang mga opisyal sa mga local positions.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Que na unang hakbang pa lamang ito upang maiakyat nila sa Korte Suprema ang SC ruling kaugnay sa Tallado case na ginamit ng kampo ni Soriano upang humirit ng “4th term” dahil sa hindi nabuong tatlong termino kasunod ng ipinataw na mga suspension.

Batay sa desisyon ng COMELEC maaari pang tumakbo ang alkalde sapagkat hindi naman nabuo ang tatlong termino niyang panunungkulan dahil sa mga suspensyon na ipinataw sa kanya, noong una at ikalawang termino nito noong 2013-2016 at 2016-2019 terms.