Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon para sa certiorari na inihain ng kontratistang si Sarah Discaya kaugnay ng kaso laban sa kanya sa umano’y ₱96.5-milyong “ghost” flood control project sa Davao Occidental.

Sa en banc session, nagpasya ang Korte Suprema na “moot” o wala nang saysay ang petisyon matapos magsampa ng kaukulang kaso ang Office of the Ombudsman sa regional trial court, na naglabas na rin ng warrant of arrest laban kay Discaya.

Ayon sa Office of the Spokesperson ng SC, bagama’t may mga pagkakataong maaaring pakialaman ng korte ang ganitong usapin — tulad ng pagprotekta sa karapatang konstitusyonal o kung walang basehan ang kaso — hindi umano napatunayan ni Discaya na sakop siya ng alinman sa mga exception na ito.

Binigyang-diin din ng Korte Suprema na ang pagtukoy ng “probable cause” sa preliminary investigation ay eksklusibong tungkulin ng public prosecutor, at karaniwang hindi ito pinakikialaman ng mga hukuman.

Dagdag pa ng mataas na hukuman, may sapat na ebidensya ang naging basehan ng findings ng Ombudsman.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nakakulong si Discaya sa Lapu-Lapu City Jail.

Matatandaang noong Disyembre 2025, nagsampa ang Ombudsman ng mga kasong malversation at korapsyon laban kina Discaya at Maria Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction, pati na rin sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental, kaugnay ng nasabing proyekto na umano’y hindi naman naipatupad.