Nakatakdang maghain ng petisyon sa Commission on Election si dating Cagayan 2nd district Board Member Vilmer Viloria upang kwestyunin at ipakansela ang Certificate of Candidacy (COC) ng kanyang kaanak dahil sa material misrepresentation.
Ayon sa dating board member, maituturing na panlilinlang ang paglalagay ni Rolly Viloria sa kanyang COC ng “Vilmar Villoria” sa pangalang magpapakita sa balota gayong ang palayaw nito ay alyas “Urat”.
Bukod dito, desidido rin si Vilmer na kasuhan ng perjury si Rolly mula Capanickian Sur, Allacapan dahil sa pagsisinungaling na aniyay ginamit lamang at posibleng binayaran.
Tiniyak rin nito na mananagot ang hindi pa pinangalanang abugado na nasa likod ng naturang panloloko na kumuha kay Rolly upang dalhin sa provincial comelec at maghain ng kandidatura para sa pagka-board member.
Ito aniya ay naghain ng COC, ilang oras matapos maghain ng kanyang kandidatura si Vilmer sa muling pagtakbo sa pagka-board member sa segunda distrito.
Ang reklamo naman sa naturang abogadong sumama at nag-notaryo ng COC ni Rolly ay ihahain naman sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Samantala, sinnabi ni Viloria na may naghain rin ng kanyang kandidatura na kapangalan ni Board Member Randy Ursulum na ang sangkot ay ang naturang abugado na ang layunin ay linlangin ang mga botante.