Muling iginiit ng Pilipinas at 13 iba pang bansa na walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, kasabay ng ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.

Sa magkasanib na pahayag, sinabi ng Pilipinas, Australia, Canada, Estonia, Germany, Italy, Japan, Latvia, Lithuania, New Zealand, Romania, Slovenia, United Kingdom, at United States na pinal ang desisyon ng arbitral tribunal noong Hulyo 12, 2016 at nananatiling legal na may bisa sa pagitan ng Pilipinas at China. Iginiit din ng mga bansa na ang mga alitang pandagat ay dapat lutasin nang mapayapa at alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Mariin din nilang tinutulan ang anumang paggamit ng puwersa, pamimilit, at pananakot sa dagat, kabilang ang umano’y pangha-harass ng coast guard, militar, at maritime militia sa mga lehitimong operasyon ng ibang bansa. Hinimok din nila ang lahat ng panig na igalang ang arbitral ruling at pairalin ang kapayapaan, katatagan, at kalayaan sa paglalayag sa Indo-Pacific.

Ang 501-pahinang arbitral ruling ay inilabas ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 12, 2016. Idineklara nitong walang legal na batayan ang “nine-dash line” ng China sa South China Sea. Gayunman, patuloy na tinatanggihan ng Beijing ang naturang desisyon.