Patuloy ang humanitarian assistance at disaster response (HADR) operations ng Philippine Army at Philippine Air Force para sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Nilinis ng mga disaster response team ng Philippine Army ang mga kalsadang nabara upang maibalik ang access sa mga isolated na lugar, nagsagawa ng search and rescue operations, at nagbigay ng malinis na inuming tubig sa General Santos City at iba pang apektadong komunidad.

Samantala, naghatid ang Philippine Air Force (PAF) ng 1,000 “ChariTimba” relief packs mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), gayundin ng 480 family food packs ng DSWD at 450 pakete ng bottled water sa mga apektadong lugar sa Davao Occidental, Davao Oriental, at Sorsogon.

Nagsagawa rin ang PAF ng medical evacuation para sa mga residente ng Sarangani na nangangailangan ng agarang gamutan, bilang bahagi ng patuloy na disaster relief at humanitarian operations ng militar.