
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na wala pa ring natatanggap na impormasyon ang Philippine Embassy sa Portugal hinggil sa kinaroroonan ng dating mambabatas na si Zaldy Co.
Ayon sa DFA, wala pang ulat mula sa embahada kaugnay ng dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list na kamakailan ay umalis ng bansa. Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kinansela na ang Philippine passport ni Co.
Umalis ng Pilipinas si Co dahil umano sa kadahilanang medikal at hindi pa bumabalik sa gitna ng patuloy na imbestigasyon kaugnay ng umano’y budget insertions at flood control projects. Mariin niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.
Ipinaliwanag ng DFA na kapag nakansela ang isang passport, ito ay iniuulat sa Bureau of Immigration at sa Philippine Center on Transnational Crime bago ipasa sa International Criminal Police Organization. Ilalagay naman ng Interpol ang passport sa alert system nito sa lahat ng international border controls.
Nilinaw rin ng DFA na wala itong kumpirmasyon kung may hawak na foreign passport si Co dahil hindi lahat ng Pilipinong nagkakaroon ng dayuhang citizenship at passport ay nag-uulat sa ahensya.
Sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government na nakikipag-ugnayan na ito sa Portugal matapos lumabas ang impormasyon na posibleng may Portuguese passport si Co.
Samantala, humiling na ang National Bureau of Investigation sa Interpol ng red notice laban kay Co. Nauna na rin siyang idineklarang fugitive from justice ng Sandiganbayan at inatasan ang DFA na kanselahin ang kanyang Philippine passport.
Kaharap ni Co, kasama ang 16 iba pa, ang mga kasong malversation at graft kaugnay ng P289-milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro na itinayo ng Sunwest Corporation, isang kumpanyang pag-aari ng kanyang mga kaanak.










