Binabantayan ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng isang Chinese tugboat malapit sa kinaroroonan ng BRP Sierra Madre (LS57) sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ang tugboat ay ginagamit umano para i-tow o hilahin ang malalaking vessels.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, batay sa kanilang monitoring nitong nagdaang mga araw, nakita nila ang presensya ng tugboat kahapon.

Kasabay nito, inalis niya ang pangambang baka hilahin ng China ang BRP Sierra Madre.

Mangangailangan daw kasi ng higit sa isang tugboat para mahila ang barko ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa huli, sinabi ni Trinidad na bagaman hindi ito nagdudulot ng pagkaalarma, handa ang militar para pigilan ang mga Chinese maritime forces sakaling hatakin nito ang Philippine vessel na nakasadsad sa Ayungin simula pa noong 1999.