Nananatiling kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na maaabot ng Pilipinas ang upper-middle income status nito sa 2025.
Paliwanag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan halos malapit na ang PH sa threshold na nasa $4516 na siyang minimum para mapabilang sa upper-middle income countries.
Ayon pa sa kalihim, ang gross national income (GNI) per capita ng ating bansa o ang kabuuang halaga ng pera na naipon ng mga tao sa bansa at mga negosyo ay kailangan lamang na lumago ng 6.7% ngayong taon.
Ginawa ni Sec. Balisacan ang pahayag sa kabila ng pagtalaga ng World Bank sa Pilipinas bilang isang lower-middle income country na may gross national income (GNI) per capita na $4,230 noong 2023, mas mataas kesa sa $3,950 na naitala noong 2022.
Base kasi sa latest classification, ang mga bansa na may gross national income per capita na nasa pagitan ng $1,146 at $4,515 ay maikokonsiderang lower middle-income countries.
Ngunit sa kabila nito ayon sa NEDA chief, hindi kailangang baguhin ang 6%-7% na target na paglago ng ekonomiya para maabot ang upper-middle income status.
Aniya, lumago ng 5.7% ang ekonomiya ng bansa noong unang kwarter ng 2024 na lamang sa karamihan sa karatig na bansa sa Southeast Asia dahil sa mas mabagal na household consumption at paggastos ng gobyerno.