
Tinukoy ang Pilipinas bilang isa sa mga “underperformer” sa Asya ngayong 2026 matapos ibaba ng ANZ Research ang growth outlook ng bansa sa gitna ng paghina ng infrastructure spending at epekto ng energy shock.
Sa pinakahuling ulat, ibinaba ng ANZ ang forecast sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas sa 4.7% mula sa naunang 5%. Ito ay bunsod ng pitong sunod-sunod na buwang pagbaba ng paggastos ng pamahalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Ayon sa ulat, patuloy na humihila pababa sa paglago ng ekonomiya ang mabagal na implementasyon ng infrastructure projects, kahit pa nagpapakita ng katatagan ang ibang ekonomiya sa Asya sa kabila ng mga global at lokal na hamon.
Kung maisasakatuparan ang 4.7% na paglago ngayong taon, magiging ikalawang sunod na taon ito na mas mababa sa 5% ang economic growth ng bansa, kasunod ng 4.4% na expansion noong nakaraang taon.
Gayunpaman, nananatiling mas positibo ang outlook para sa 2027, kung saan pinanatili ng ANZ ang projection na 5.6% GDP growth para sa Pilipinas.
Ipinapakita ng ulat na kailangang mapabilis ang paggastos sa imprastraktura at mapatatag ang iba pang sektor upang maibalik ang mas mataas na antas ng paglago ng ekonomiya ng bansa.





