Lalo pang lumubo ang bilang ng mga barko ng China na nakahimpil sa Escoda Shoal, batay sa monitoring ng Philippine Navy.
Sa report na inilabas ng PN ngayong araw, Aug 27, Umabot na sa 40 Chinese Maritime Militia Vessels (CMMV) ang naka-istasyon sa naturang shoal mula Aug. 20 hanggang 26 mula sa dating 12 ships na namonitor mula noong 13-19.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, napansin nila ang pagtaas ng bilang ng mga barko sa West Phil Sea kasunod ng mas madalas na presensya ng mga Philippine vessel sa karagatan.
Kabilang dito ang mga resupply mission at maritime research na isinasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kapansin-pansin din umano ang paglobo ng mga barko sa naturang lugar, habang paulit-ulit na hinaharass ang mga barko ng PCG at BFAR kung saan ang pinakahuli ay ang pambobomba ng tubig sa BRP Datu Sanday nitong hapon ng Lingo, Aug. 25.
Sa naturang ramming incident, walong Chinese maritime forces ang umano’y sabay-sabay na nangharass habang ang iba ay namangga sa naturang barko.
Ito na ang pinakamaraming bilang ng mga Chinese vessel na sabayang nangharang sa isang barko ng Pilipinas sa WPS, ayon sa PCG.