Hinimok ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga solo parents na magparehistro sa kanilang mga local government units (LGUs) para ma-access ang healthcare benefits.
Sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 2024-0020, ang mga solo parent at kanilang mga dependent ay awtomatikong sakop sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).
Sinabi ni Salvador Soriano Jr., social insurance officer II ng PhilHealth Region 2, ang mga rehistradong solo parents ay maaaring makakuha ng iba’t ibang benepisyo sa ilalim ng Section 9 ng RA No. 11223 at PhilHealth Circular No. 2022-0013.
Kabilang dito ang mga serbisyo sa inpatient at outpatient, z benefits para sa mga kritikal na karamdaman, no co-payment/balance billing, ang programang Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) at Sustainable Development Goal (SDG) benefits na sumasaklaw sa HIV/AIDS treatment, animal bite care, maternity care packages at iba pang mga kaukulang benepisyong pangkalusugan.
Pinayuhan ng philhealth region 2 ang mga solo parents na bumisita sa kanilang pinakamalapit na solo parent office o LGU division para makapagparehistro.
Dagdag pa ng ahensiya na Ang mga walk-in na aplikante sa mga opisina ng PhilHealth ay kailangang magsumite ng PhilHealth Member Registration Form (PMRF), ilagay ang member type bilang indirect contributor, at magbigay ng Solo Parent Identification Card (SPIC) number kasama ng photocopy nito.
Ayon kay Soriano, maaaring magclaim ng benepisyo ang mga solo parents na may anak na 22 taong gulang pababa, walang asawa, walang trabaho, at nakatira sa kanila bilang mga dependent.
Ang mga batang mahigit 22 taong gulang na may permanenteng kapansanan ay maaaring makakuha ng benepisyo sa ilalim ng PhilHealth’s Persons with Disabilities (PWD) Program.