Umapela ang grupo ng mga dialysis patient sa PhilHealth na pangalagaan ang pondo ng ahensiya at siguraduhing mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.
Kaugnay ito sa kontrobersyal na ghost claims ng mga dialysis patient kahit patay na.
Ayon kay Loreto Seguido, presidente ng samahan ng mga dialysis patients sa Tuguegarao City na resulta ito ng kawalan ng reporma sa proseso sa pagkuha ng claims kaya nasasayang lamang ang pondo ng taumbayan.
Kasabay nito, nanawagan si Seguido sa mga mambabatas na isama at payagan ang mga private dialysis center sa probisyon ng free dialysis bill
Paliwanag niya na dumarami ang bilang ng mga nagkakasakit at isinasailalim sa dialysis kung kaya nagkukulang ang dialysis machine at mga nephrologist sa mga pampublikong ospital.
Ayon kay Seguido, bawat PhilHealth member ay maaaring magkaroon ng 90 na dialysis session kada taon para sa kabuuang 104 na may halagang humigit-kumulang P3,000 kada treatment kasama na ang gamot.
Ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) naman ang magpapatuloy ng sessions ng mga pasyente kapag natapos ng gamitin ng mga ito ang kanilang package mula sa PhilHealth.