Pinabulaanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naglaan ito ng halos P138 million para sa Christmas party, sa halip ang pondo ay para umano sa kanilang anniversary celebration sa susunod na taon.
Kinontra ng PhilHealth ang naging post sa social media ni Dr. Tony Leachon, na naglathala sa screenshot ng isang dokumento ng PhilHealth na nagpapakita ng P137,766,032 budget para sa iba’t ibang items kabilang ang coffee table cooks, newspaper features, building displays, tokens, giveraways, at commemorative medals.
Sa post ni Leachon kahapon, sinabi niya na ang dokumento ay para umano sa Christmas party.
Sinabi naman ng PhilHealth na ang post ni Dr. Leachon sa social media account ay malisyoso dahil sa inaakusahan ang government-owned insurer ng sobra-sobrang budget para sa Christmas party.
Ayon sa PhilHealth, mis-informed umano si Leachon.
Sa unang post ni Leachon, may caption pa na nagsasabi na abusado ang PhilHealth leadership dahil sa hindi wais na paggasta ng pondo.
Subalit, sa kanyang pinakabagong post kahapon ng hapon, na-edit na ito ay sinabi na ang pondo ay para sa PhilHealth anniversary celebration.
Muling ipinaliwanag ng PhilHealth na ang breakdown ng expenses na ipinost ni Leachon, na hindi pa pinal, ay para sa kanilang 30th anniversary celebration sa 2025.
Sinabi pa ng PhilHealth na ang mga aktibidad ay kasabay ng observance ng National Health Insurance Month kada buwan ng Pebrero sa ilalim ng Proclamation 1400 s. 2007.