Bumisita sa Cagayan si Huang Xilian, ang Ambassador ng People’s Republic of China sa Pilipinas.

Malugod naman siyang tinanggap ni Governor Manuel Mamba at mga department head ng provincial capitol.

Sa kanyang talumpati sa kapitolyo, sinabi ni Huang na ang local cooperation sa pagitan ng China at Cagayan at sa iba pang probinsiya sa bansa ay mahalagang component para sa lalo pang pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Huang sa pamamagitan nito ay maisusulong ang local at economic development sa Cagayan.

Kasabay nito, sinabi ni Huang na dahil sa malapit ang China sa Cagayan ay patuloy ang pagbibigay nila ng tulong tulad na lamang ng ibinigay na ng 2k food packages na nagkakahalaga ng P5m para sa mga naapektohan ng megaflood sa lalawigan nitong nakalipas na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Huang na dahil sa malapit na ang pasko ay magbibigay ang embahada ng China ng 2k na Christmas gift packages na nagkakahalaga ng P2m.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa National Electrification Administration at mga electric cooperatives para sa pagpapatupad ng “Brighten-Up” project na inisyatiba ni Governor Manuel Mamba para sa pagkakaroong energy storage facilities sa mga liblib na lugar, street lights, multifunctional classrooms at basketball courts na layuning mapagaan ang pamumuhay ng mga mamamayan.

Samantala, pinasalamatan naman ni Governor Mamba si Huang dahil sa patuloy na pagtulong at pagsuporta sa mga Cagayanos.

Ayon sa kanya, ito ay patunay ng matibay at matatag na pagkakaibigan ng China at ng Cagayan at umaasa siya na lalo pa itong mapapalakas sa hinaharap.

Matapos ang aktibidad sa kapitolyo ay bumisita si Huang sa Cagayan Museum, Kebing School at sa Cagayan Chinese Chamber of Commerce at sa Port of Aparri.