TUGUEGARAO CITY-Binalaan ng Philippine Army na mananagot sa batas ang mga pulitikong mapapatunayang nagbabayad ng extortion money at permit to campaign fees sa Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA).
Ipinapalala ni Col. Laurence Mina, commanding officer ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army na labag sa batas ang pagbibigay tulong pinansyal sa mga rebeldeng grupo.
Sa katunayan, inilabas kamakailan Department of Interior and Local Government (DILG) ang isang Memorandum Circular na nagpapaalala sa mga pinuno at opisyal ng pamahalaang lokal na ang pagbibigay ng suporta sa mga rebeldeng komunista ay tuwirang paglabag hindi lamang sa Executive Order 733 kundi maging sa RA 10168.
Sinabi ni Mina na maaaring patawan ng hanggang sa reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang sumusporta sa makakaliw ang grupo.
Kasabay nito, patuloy ang monitoring ng militar sa pagkilos ng mga NPA lalo na sa Isabela at Cagayan kung saan iniimbestigahan na ito ng kanilang hanay.