TUGUEGARAO CITY-Iginiit ni Lt. Col. Narciso Nabulneg Jr., Commanding Officer ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army na nakabase sa Ifugao, na walang kinalaman ang kanilang hanay sa pamamaril sa isang online journalist sa nasabing probinsiya.
Reaksyon ito ni Nabulneg matapos idinidiin ang kanilang hanay na sila umano ang nasa likod ng pagtatangka sa buhay ng biktimang si Brandon Lee, 37, manunulat sa online media outfit na Northern Dispatch at paralegal volunteer ng Ifugao Peasant Movement (IPM) noong Agosto 6, 2019.
Ayon kay Nabulneg, ilang buwan lang ang nakakaraan nang imbitahan ng kanilang hanay ang biktima para sa ilang aktibidad ukol sa pagsuko ng ilang rebeldeng grupo sa Ifugao at para magkatuwang sa pagpapatupad ng mga programa na naaayon din sa adbokasiya ng IPM gaya ng human rights, environment at agriculture protection.
Aniya, pagpapatunay lamang nito na walang masamang ugnayan ang kanilang grupo at sa biktima.
Hinamon din ni Nabulneg ang Cordillera Human Right Alliance na nasa likod ng alegasyon at nagsasabing hina-harass ng militar ang IPM na magpakita ng ebidensiya.
Inanyayahan din nito ang grupo na makipag-ugnayan sa mga militar para sabay-sabay na isagawa ang imbestigasyon at para malaman kung sino ang nasa likod ng pamamamaril.
Nabatid na si Lee ay ipinanganak sa Canada at namalagi lamang sa Ifugao noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Samantala, nanawagan si Nabulneg sa mga kaguruan na ipagbigay alam sakanilang hanay kung may mag natatanggap na libro ukol sa mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Nabulneg nito lamang nakaraang araw ng makipag-ugnayan ang mga kaguruan ng Ifugao State University matapos makatanggap ng mga libro na ang nilalaman ay may ugnayan sa mga rebeldeng grupo.
Aniya, kung babasahin umano ang naturang libro ay mas magiging madali ang pagrecruit ng mga makakaliwang grupo sa mga kabataan na umanib sa kanilang hanay.