Umaasa ang Philippine Coconut Authority na mapapataas ang produksyion ng niyog sa Lambak Cagayan sa pamamagitan ng mga interbensiyon ng ahensiya base sa mga programang ipinapatupad sa kasalukuyan.

Ayon kay PCA Regional coordinator Jack Pagaran, nagbibigay ang ahensiya ng mga coconut seedlings, abono, pati na ang pagsasanay sa mga coconut farmers at iba pang tulong upang masustain ang produksiyon ng niyog sa rehiyon.

Maliban pa rito ay ipinatutupad na rin ang coconut intercropping project tulad ng coconut-cacao intercrop sa Sanchez Mira at coconut-coffee plantation sa Pamplona, Cagayan.

ipatutupad na rin sa susunod na taon ang animal integration project kung saan ang mga plantasyon ng niyog ay malalagyan ng mga alagang hayop upang mabigyan ng karagdagang pagkakitaan ang mga coconut farmers.

Dagdag pa ni Pagaran, inaayos na rin ang mga kailangan upang mabigyan ng coconut processing facility ang kuwalipikadong coconut farmers’ cooperative sa Pamplona, Cagayan para sa kopra production.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PCA, pinakamababa sa ngayon ang produksiyon ng niyog sa North Luzon na kinabibilangan ng Regions 1, 2 at Cordillera Administrative Region.

Samantala, sa kasalukuyan ay mayroong humigit-kumulang 12 libong coconut farmers sa Region 2 na nakarehistro sa national coconut farmers registry system at mahigit 15 libong ektaryang taniman ng niyog.