Hinimok ng Marine Batallion Landing Team 10 na nakabase sa Sta. Ana, Cagayan ang mga interesadong aplikante para sa kategoryang Officer Candidate na magsumite na ng kanilang mga requirements para sa isasagawang pre-qualifying Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT) sa buwan ng Setyembre, ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni LTCL Julius Yncierto, commanding officer ng MBLT-10 na nasa kabuuang 88 Officer Candidates ang target na quota sa rehiyon para sa taong ito.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas mapapalakas pa ng marines ang kanilang hanay sa pagbabantay sa kalikasan at yaman ng mga isla sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Bukas ang aplikasyon sa mga gustong maging bahagi ng Philippine Marine Corps para sa lahat ng natural born Filipino citizen na may edad 21- 26 at 6 mos, may hawak ng isang baccalaureate degree, walang asawa o anak, walang tatoo, taas na hindi bababa sa limang talampakan at may mabuting moralidad.
Maliban sa Officer candidates, bukas ang recruitment sa mga nais maging Candidate soldier na at least nakatapos ng K-12 program o may 72 units sa college at kung high school graduate ay may technical skills na kailangan ng armed forces.
Ipinaalala rin ni Yncierto na walang bayad ang pag-a-apply sa pagiging sundalo.
Sa mga interesado at karagdagang impormasyon ay maaring magtungo lamang sa facebook page ng Marine Battalion Landing Team-10-KAPAYAPAAN.