TUGUEGARAO CITY-Muling ipinaalala ng Philippine Red Cross ang mga hindi dapat gawin bago mag donate ng dugo.
Ito ay kasabay nang nalalapit na “Dugong Bombo” 2019 o ang taunang bloodletting activity ng Bombo Radyo Philippines na gaganapin sa Sabado, November 16, 2019.
Ayon kay Reymund Chan, head ng Philippine Red Cross (PRC)-Kalinga, kailangan hindi nakainum ng nakalalasing na inumin ang sinumang nagnanais na magdonate ng dugo para ma-qualify.
Aniya, kailangan din ay may sapat na tulog, obserbahan din kung kaya ba ng katawan na magdonate.
Mariin din niyang ipinagbabawal sa mga nais magdonate ang mga may sipon, ubo at nag-under ng medication sa loob ng isang linggo o isang buwan at kailangang kumain bago magdonate para hindi manghina.
Dagdag pa niya na iwasan din na kumain ng matataba o ang mga masyadong mamantika na pagkain dahil makikita rin aniya ito sa gagawing pagsusuri sa makukuhang dugo.
Kaugnay nito, hinimok ni Chan ang publiko na magdonate ng dugo para mapunan ang kakulangan ng dugo.