Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang kasamang abo ang plume o usok na mula sa bulkang Fukutoku-Oka-No-Ba sa Osagawara Archipelago sa Japan na umabot sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na walang dapat ipangamba ang publiko sa ibinugang gas at steam ng naturang bulkan dahil nasa mataas na lebel naman ang plume mula sa ibabaw ng lupa.

Nilinaw ni Solidum na tanging usok lamang ito mula sa bulkan na dumaan sa isla ng Region 2 at iba pang bahagi ng Luzon na papuntang South East Asia.

PHIVOLCS Director Renato Solidum

Dagdag pa ni Solidum na kung mayroon mang kasamang ash o abo ang usok ay agad silang magbababa ng advisory lalo na sa mga sasakyang panghimpapawid upang iwasang magpalipad sa daraanan ng ash plume.

Ang Fukutoku-Oka-No-Ba ay isang bulkan na nasa ilalim ng dagat na sumabog nitong August 12.

-- ADVERTISEMENT --