Pinalalakas ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang kanilang customer notification at communication system upang matugunan ang mga nairereklamong delay sa delivery ng international parcels.

Ayon sa PHLPost, dumadaan sa inspeksyon at beripikasyon ng Bureau of Customs ang mga padala upang matukoy kung may kailangang duties o taxes, karagdagang dokumento, o iba pang verification depende sa laman ng parcel.

Paliwanag ng ahensya, may mga package na mabilis na naipaproseso at naihahatid, ngunit mayroon ding masusing pagsusuri kaya nagkakaroon ng pagkaantala sa delivery.

Layunin ng bagong sistema na mas maging malinaw at maayos ang abiso sa mga customer hinggil sa status ng kanilang mga padala.