TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan na umano ang distribution ng sinovac vaccines sa mga district Hospital sa probinsya ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina, provincial health officer, una nang nakatangggap ang bayan ng Alcala ng 26 na bakuna kahapon na sinundan sa bayan ng Tuao na 51, Piat na 52, Ballesteros na 74 at Sanchez Mira na 34 ngayong araw, Marso 9, 2021.
Tiniyak naman ni Cortina na lahat ng mga District hospital sa probinsya ay mabibigayan ng bakuna para matiyak ang kaligtasan ng mga healthcare workers.
Paliwanag ni Cortina, inuna nilang binigyan ng bakuna ang mga District hospital na nakapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng covid-19.
Hindi naman lahat ng mga healthcare workers ay mababakunahan dahil kailangan pa rin nilang ikonsidera ang edad ng mga ito kung saan tanging mga may edad na 18-59 lamang ang maaaring bakunahan ng Sinovac.
Maging si Dr. Cortina ay hindi rin nabakunahan ng sinovac dahil hindi pasok ang kanyang edad sa mga maaaring bakunahan.
Kaugnay nito, sinabi ni Cortina na nagsumite ang kanilang tanggapan sa Department of Health Regional Office ng mga pangalan ng mga health care workers sa probinsya na may edad 60 pataas na silang unang mababakunahan sa oras na makarating sa probinsya ang AstraZeneca vaccines.