TUGUEGARAO CITY- Pinayuhan ng Dr. Carlos Cortina, head ng Cagayan Provincial Health Office ang mga contractors na magpatupad ng flexible time para sa kanilang mga trabahador ngayong mainit ang panahon.
Sinabi ni Cortina na hindi dapat na matagal na nalalantad sa init ang mga construction workers at iba pang manggagawa, maging ang mga magsasaka at mga mangingisda dahil posibleng magdulot ito ng heat stroke na maaaring ikamatay ng isang tao.
Bukod dito, sinabi ni Cortina na maaari ding makaranas ng sunburn, heat cramps at heat exhaustion.
Payo din ng duktor sa lahat na uminom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration, bawasan ang outdoor activities o pinakamainam ay manatili sa mga bahay kung walang importanteng gagawin sa labas.
Sinabi niya na kailangan na pangalagaan din ang ating kalusugan lalo na ang mga may comorbidities ngayong mainit ang panahon tulad ng pangangalaga sa ating mga sarili para hindi mahawaan ng covid-19.
Sinabi naman ni Engr. Romeo Ganal, weather specialist ng PAGASA na ang maalinsangan at mainit na panahon ay dulot ng easterlies.
Sa katunayan ang kanilang naitalang pinakamataas na temperatura ngayong taon sa Tuguegarao ay 39.9 degrees celcius habang ang heat index ay naitala ang pinakamatas na 46 degrees celcius.
Naitala naman ang 40.3 degrees celcius na temperatura sa Isabela State University- Echague Campus.
Idinagdag pa ni Ganal na may color coding na babala din sila sa heat index kung saan ang green o caution ay sa pagitan ng 27 hanggang 32 degrees celcius, yellow o extreme caution ay 32 hanggang 41 degrees celcius at posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion kapag nabababad sa sikat ng araw.
Ang orange o danger ay 41 hanggang 54 degrees celcius at red o extreme danger ay mas mataas pa sa 54 degrees celcius na posibleng magdudulot na ng heat stroke.