
Inilipat sa Cagayan Valley Medical Center ang isa sa dalawang nasugatan sa pag-araro ng pick-up sa pitong center car sa nakaparada sa gilid ng kalsada sa Don Mariano Marcos National High School (DMMNHS) sa Guising, Gattaran, Cagayan.
Sinabi ni Dennis Domingo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, matindi ang pinsala ng driver ng center car kaya kinailangan na ilipat siya sa CVMC, habang ang isa pa ay nasa isang opistal sa nasabing bayan.
Ayon kay Domingo, sa salaysay ng mga saksi sa insidente, nag-overtake ang pick-up, subalit nawalan ng kontrol sa manebela ang driver hanggang sa inararo ang pitong center car na naghihintay ng mga estudyanteng pasahero.
Sinabi niya na mabuti na lamang at ang iba sa mga driver ng center car ay wala sa loob ng kanilang mga sasakyan, at ang tanging dalawa lamang ang nasugatan na kapwa center car driver.










