Limang katao na nasa gilid ng lansangan at 13 nakaparadang motorsiklo ang inararo ng isang pick-up na minaneho ng isang barangay chairman sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.
Kinilala ang driver ng sasakyan na si Brgy. Capt. Ronel Morales, 43-anyos ng Brgy. Baua.
Ayon kay PCORP Albert Andres, imbestigador ng PNP Gonzaga, nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang kapitan at malapit na sa pupuntahang reception ng kasal, kasama ang isa pang kapitan nang mangyari ang aksidente sa Brgy. Ipil partikular sa detour bridge dakong alas 11:00 ng gabi.
Hindi umano nakontrol ng kapitan ang manibela ng sasakyan nang malapit na ito sa kinukumpuning tulay kaya ibinangga nito ang sasakyan sa mga nakaparadang motorsiklo kaysa mahulog sa tulay.
Unang nasagasaan ng kapitan ang biktimang si Loreto Taala, bago ito dumiretso sa mga nakaparadang motorsiklo na siya namang bumangga sa apat na iba pang katao na kinabibilangan ng dalawang menor de edad na nasa gilid ng lansangan at pawang mga bisita sa kasal.
Agad namang naisugod ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan kung saan dalawa sa kanila ang nakalabas na ngunit si Taala ay inilipat sa isang pagamutan sa Tuguegarao City dahil sa tinamong head injury habang nagtamo naman ng kaunting galos sa katawan ang kapitan.
Sa ngayon ay nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng kapitan at mga biktima kung saan sasagutin ng kapitan ang mga bayarin sa ospital ng mga biktima at pagpapaayos sa mga motorsiklo.