Nagsampa ng panibagong petisyon para sa indirect contempt si Federico “Piki” Lopez laban sa majority block ng Lopez family at ilang kaakibat na kumpanya kaugnay ng umano’y paglabag sa court-issued writ of preliminary injunction na may kinalaman sa isang hydropower transaction.

Sa petisyong isinampa sa Mandaluyong Regional Trial Court noong Mayo 29, hiniling ni Piki sa korte na ipataw ang indirect contempt sa ilang miyembro ng Lopez family at mga kumpanyang kabilang sa grupo, dahil umano sa mga hakbang na naglalayong hadlangan o ipagpaliban ang isang transaksyon ng First Gen Corp. sa Prime Infrastructure Capital Inc.

Ayon sa reklamo, ang mga kinabibilangang respondents ay gumamit umano ng kanilang posisyon bilang major shareholders at directors upang impluwensiyahan ang mga opisyal at hadlangan ang pagpapatupad ng mga naaprubahang corporate action ng First Gen.

Giit pa ng petisyon, ang mga sunod-sunod na sulat at hakbang ng mga respondent ay bahagi umano ng koordinadong pagkilos upang pigilan ang naturang hydropower-related transaction.

Ang kaso ay kaugnay ng patuloy na internal dispute sa Lopez group na nagsimula matapos tanggalin si Piki Lopez bilang presidente ng Lopez Inc. at palitan ni Rafael Lopez, na kanyang kinuwestyon sa korte.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pang dinidinig ng korte ang isyu habang inaasahan ang tugon ng mga respondent sa petisyon.