Lumagda sa kasunduan ang Pilipinas at Japan para sa pagtutulungan sa pagtatayo, pamamahala at pagpapalabas ng strategic petroleum reserves o reserbang langis ng bansa.

Saklaw ng Memorandum of Cooperation na nilagdaan ng Department of Energy (DOE) at Japan Ministry of Economy, Trade and Industry ang pagpapalawak ng mga pasilidad na maaaring pag-imbakan ng mas malaking suplay ng produktong petrolyo.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, sa pamamagitan nito ay mas magiging handa ang bansa na magkaroon ng sapat na suplay ng langis, lalo na sa panahon ng kakulangan o krisis.

Binigyang-diin din ni Garin na kauna-unahang pagkakataon na direktang pagmamay-ari ng pamahalaan ng Pilipinas ang isang petroleum storage facility.

Patuloy naman ang isinasagawang technical, legal at financial studies upang matukoy ang magiging sistema ng pagpopondo at pagmamay-ari sa mga pasilidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isinusulong din ng Pilipinas at iba pang bansang kasapi ng ASEAN ang mas malawak na koneksiyon sa suplay ng kuryente sa rehiyon sa ilalim ng ASEAN Power Grid.