Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatibay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at United States ng mga prinsipyo at komprehensibong plano para labanan ang lumalalang online scams sa rehiyon.

Ginawa ni Marcos ang anunsiyo sa ASEAN-US Special Summit sa Maynila na dinaluhan ni US President Donald Trump at iba pang lider ng ASEAN.

Kabilang sa napagkasunduan ang isang pahayag na naglalaman ng 10 prinsipyo para sa public-private partnership na magpapalakas sa pagtutulungan ng mga pamahalaan at pribadong sektor laban sa mga online scam.

Tinawag ng pangulo na agarang konkretong resulta ng summit ang naturang kasunduan, sa halip na manatili lamang sa mga talakayan at diplomatikong pahayag.

Gayunman, hindi pa inilatag ni Marcos ang mga partikular na probisyon ng mga prinsipyong pinagtibay.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos, na nagdiriwang ngayong taon ng ika-80 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon.