Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang capability upgrade nito, kabilang ang posibleng pagbili ng intermediate-range missile launchers sa United States, sa kabila ng pagtutol ng China, na itinuring ito na ito ay “provocative” at mapanganib na hakbang.

Isiniwalat ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang plano ng pamahalaan na bumili ng US missile systems bilang bahagi ng capability upgrade ng militar ng bansa.

Sinabi niya na ang plano ay limitado lamang sa US Typhon missile system.

Binigyang-diin ni Teodoro na alam ng buong mundo kung sino ang nasa tamang landas at kung sino ang nasa maling landas kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon sa kanya, hindi maaaring makinig ang bansa sa payo mula sa tao na binabaluktot ang katotohanan, at wala naman umanong naniniwala sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na nasa panig ng ating bansa ang international law, hindi lamang Philippine law.

Dinala ng US ang kanilang midrange missile system, na tinawag na Typhon sa bansa noong buwan ng Abril bilang bahagi ng “Balikatan” war games sa pagitan ng tropa ng Pilipinas at America.

Iginiit pa ni Teodoro na walang pakialam ang China sa nasabing plano, at kung anoman ang mangyayari sa ating teritoryo ay kailangan na ipagtanggol.

Sinabi pa niya na sumusunod naman ang bansa sa international law.