Inaasahan na aangkat pa ng maraming bigas ngayong taon at sa susunod na taon ang bansa, at mapapanatili nito ang posisyon na world’s top rice importer dahil sa impact ng El Niño, La Niña, at mga nagdaang mga bagyo sa local production.

Batay sa pinakahuling report ng US Department of Agriculture, tinatayang aabot sa 4.7 million metric tons ang rice imports ng bansa ngayong taon, 2.2 percent na mas mataas mula sa unang pagtaya na 4.6 million MT, bunsod ng malakas na demand sa bigas mula sa Vietnam.

Inaasahan na lalo pang tataas ang rice imports ng bansa sa 4.9 million MT sa 2025 dahil sa maliit na ani mula sa mga lokal na magsasaka.

Ang pinakahuling pagtaya ng USDA ay nakahanay sa mas mataas na forecast para sa global rice imports ngayong taon, na iniuugnay sa pagtaas ng demand mula sa Malaysia at Nepal, sa kabila ng pagtaya ng mas mataas na worldwide production.

Tinaya pa ng USDA na ang milled rice production ng bansa ay aabot sa 12.7 million MT ngayong taon at magkakaroon ng pagbaba sa 12.3 million MT sa susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos mula sa Bureau of Plant Industry, ang volume ng bigas na pumasok sa bansa as of October 3 ay umabot na sa 3.29 million MT.

Ang Vietnam ang nananatiling top rice supplier sa nasabing panahon, sumunod ang Thailand, Pakistan, at India.