Nagpahayag ng pagkabahala ang Pilipinas sa airstrike sa Rakhine State, Myanmar na nagdulot ng pagkamatay, pagkasugat at pagkasira ng mga ari-arian.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, patuloy na minomonitor ng Pilipinas ang sitwasyon at handang pangunahan ang mga pag-uusap sa ASEAN tungkol sa posibleng tulong sa Myanmar.

Bilang kasalukuyang chair ng ASEAN, sinabi ng Pilipinas na mananatili itong nakabatay sa consensus ng mga miyembrong bansa at susuporta sa paghahanap ng solusyong “Myanmar-owned and led.”

Sa airstrike sa Kyauktaw nitong Lunes, nasa 50 katao ang nasawi at dose-dosenang iba pa ang nasugatan, ayon sa ulat.

Patuloy ang civil war sa Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021. Tinatayang 100,000 katao na ang nasawi at mahigit 3.5 milyon ang nawalan ng tirahan dahil sa labanan.

-- ADVERTISEMENT --