Nagsimula na ang pagkupkop ng Pilipinas sa una sa dalawang batch ng Afghan nationals na naghihintay ng resettlement sa Estados Unidos.

Marka ito ng pagsisimula ng kasunduan kung saan ang Pilipinas ay inaasahang magho-host ng 300 Afghan nationals na aplikante ng Special Immigrant Visas (SIV) sa loob ng 100 araw.

Kapwa sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas at US na ang mga Afghan national na ito ay hindi refugee at hindi rin magiging banta sa seguridad.

Ang mga ito umano ay binubuo ng mga indibidwal at pamilya na nagtrabaho para sa US government sa kabuuan ng military operations nito sa Afghanistan mula 2001 hanggang Agosto 2021.

Dahil dito ay eligible ang mga ito sa SIV, isang global program na nagbibigay ng oportunidad sa foreign nationals na nagtatrabaho sa US government, para magkaroon ng permanent residence sa US at kalaunan ay maging mamamayan nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Manila at Washington, dumaan sa mahigpit na security vetting ng intelligence authorities ang lahat ng Afghan applicants.

Sumailalim din ang mga ito sa medical screening sa Kabul, at kumuha ng kaukulang entry visa sa Pilipinas bago sumakay ng eroplano patungong Manila.

Matatandaan na naglunsad ng military operations ang US para patalsikin ang Taliban.

Sa kabila nito, nakubkob ng Taliban ang Kabul dahilan para bumigay ang pamahalaan ng Afghanistan at mapilitan si US President Joe Biden na ilikas ang US forces mula Afghanistan.

Isinara na rin ang US embassy sa Kabul na hudyat ng pagtatapos ng political at military engagement ng US sa nasabing bansa.