Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa ASEAN para sa agarang pagpapatibay ng isang legally binding na Code of Conduct sa South China Sea bilang tugon sa patuloy na tensyon sa rehiyon.

Bahagi ito ng intervention ng Pangulo sa nagpapatuloy na ika-46th ASEAN Summit na ginaganap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Iginiit ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw at matibay na kasunduan upang mapanatili ang kapayapaan, maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, at maprotektahan ang karapatang pandagat ng mga kasaping bansa, lalo na sa harap ng lumalalang mga isyu sa maritime claims.

Matatandaang sa ginanap na Joint Working Group on the Implementation of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea o JWG-DOC nitong mga nakaraang buwan, nagkasundo ang ASEAN at China na target nilang magkaroon ng Code of Conduct sa South China Sea sa taong 2026.

Samantala, nagpahayag din ng pag suporta si Pangulong Marcos sa napagkasunduan ng ASEAN member state na huwag gumanti sa ipinataw na reciprocal tarrif ng US.

-- ADVERTISEMENT --

Una nang sinabi ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim na hiniling na nya kay US President Donald Trump na magkaroon ng US-ASEAN meeting upang mapagusapan ang naturang isyu.