Plano ng bansa na kumuha ng long-term loan mula sa Washington para sa pagbili ng 20 “brand-new” F-16 fighter jets at iba pang defense equipment mula sa United States.
Sinabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez, tatalakayin nila sa malapit na hinaharap ang terms sa nasabing loan sa kanilang American counterparts.
Ayon sa kanya, plano ng pamahalaan na bumili ng brand-new na mga F16 na ide-deliver ng “tranches” tulad ng 10 Blackhawk helicopters na binili noong 2024.
Ang multi-role helicopters, na ginagamit para sa search and rescue at humanitarian aid, ay bahagi ng kontrata para sa 32 na Sikorsky Black Hawk helicopters na gawa ng Lockheed Martin sa ilalim ng defense modernization program ng bansa.
Sinabi ni Romualdez na ang nasabing American company ang gagawa ng mga nasabing F16.
Ayon sa opisyal, ang pag-apruba ng State Department para sa pagbebenta ng 20 F16 sa Pilipinas ay isa na namang mahalagang senyales sa commitment ng US sa matibay na alyansa ng dalawang bansa.
Ikinokonsidera ng bansa ang pagbili ng advanced fighter jets para mapataas ang defense capability nito mula sa ilang bansa, kabilang ang US, Sweden at France.
Matatandaan na inihayag ng U.S. State Department ang pag-apruba ng Washington para sa major sale ng mga F16 kasunod ng pagbisita sa Manila ni Sec. Pete Hegseth, kung saan sinabi niya na suportado ng Trump administration ang pagpapalakas sa Armed Forces of the Philippines upang matulungan ang bansa sa lumalakas na agression ng China sa South China Sea.