Malaki umano ang tsansa na makakamit ng Pilipinas ang pagiging isang upper-middle income economy sa susunod na taon.

Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, sa ngayon, nananatili ang Pilipinas sa kategoryang lower middle-income economy sa ilalim ng pinakabagong klasipikasyon ng World Bank.

Nasa loob ng bracket para sa lower middle-income economies ang gross national income (GNI) per capita ng bansa na $3,950 noong 2022.

Mula sa dating $1,086–$4,255, itinaas ang GNI per capita sa $1,136–$4,465 noong nakaraang 2023.

Para sa fiscal year 2024, inilalarawan ng WB ang mga low-income economies na may GNI per capita na $1,135 o mas mababa pa noong 2022; lower middle-income economies ang ay may GNI per capita sa pagitan ng $1,136 at $4,465; upper middle-income economies ang may GNI per capita sa pagitan ng $4,466 at $13,845; at high-income economies ay may GNI per capita na $13,845 o higit pa.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama ng Pilipinas sa lower-middle income bracket ang Vietnam; Laos; Cambodia; at Myanmar.

Ang mga kalapit na bansa na nasa upper-middle income level ay ang Malaysia ; Thailand; at Indonesia, na umangat ang kategorya ngayong taon mula sa lower-middle income status.

Nasa pinakamataas na high-income bracket naman ang Singapore at Brunei.

Para sa buong taon ng 2024, target ng pamahalaan ang GDP growth na 6% hanggang 7%.

Habang 6.5% hanggang 7.5% naman sa 2025.

Idinagdag ni Balisacan ang isa pang pangunahing target ng pamahalaan na maibaba sa single digit ang nationwide poverty pagsapit ng 2028.