Pansamantalang ipapasara ang bahagi ng Pinacanauan Nat Tuguegarao Avenue sa October 6, 2021 mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng umaga, bilang bahagi ng pakikiisa ng Lungsod sa pagdiriwang ng World Car Free Day.

Sa panayam ng Bombo Radyo, nanawagan si City Councilor Atty Reymund Guzman na huwag munang gumamit ng kanilang mga kotse o anumang motorized vehicle at isulong ang mas environment-friendly na pagbiyahe.

Aniya, maaari namang gumamit ng bisikleta o maglakad muna patungo sa kanilang mga trabaho o mamimili ng kanilang pangangailangan.

Paliwanag ni Guzman, malaking tulong ang pagkakaroon ng car-free community upang mabawasan ang polusyon na sumisira ng kalikasan kahit isang araw lamang ang selebrasyon.

Inatasan naman ang Public Order and Safety Unit (POSU) at PNP-Tuguegarao upang ipatupad ang naturang ordinansa sa pagsasara ng lansangan sa Gunnacao St. hanggang Brgy Tanza.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pinalawig na ng pamahalaang lungsod ang pagbabayad ng mga may late payment ng Mayors permit, business permit, licenses at realty property taxes nang walang penalty.

Ito’y alinsunod sa inaprubahang City Ordinance No. 64-2021 batay sa kahilingan ni Mayor Jefferson Soriano.

Ayon kay Guzman, ang bagong deadline sa pagtanggap ng late payments para sa business at realty taxes nang walang penalty ay sa December 30, 2021.

Kaugnay nito, hinikayat ni Guzman ang mga taxpayers na bigyang prayoridad ang pagbabayad ng buwis upang maiwasan ang penalty.

Nabatid, na alinsunod sa Revenue Code ng lungsod, ang mga late payment ay pinapatawan ng surcharge at interest.