Patuloy ang monitoring ng Local Government Unit ng Tuguegarao ang mga mabababang lugar sa lungsod dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Pinacanuan at Cagayan river.

Itoy kasunod ng inaasahang pagbaba ng tubig ulan na dala ng bagyong Paolo mula sa mga tributaries o mga konektadong river system sa Cagayan River at ang binuksan na anim na spillway gate ng magat dam.

Ayon kay Mayor Maila Ting-Que, naka Red Alert Status ang pamahalaang lungsod bunsod ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa Buntun Monitoring Post na nasa 7.4 meters na kaninang ala 5:00 ng madaling araw o malapit na sa critical level na 9 meters.

Kasunod nito ay hindi na madaanan ang Pinacanauan Overflow Bridge at lansangan sa Bonfacio St., Centro 1, Pinacanauan Avenue papuntang Ecopark sa Centro 10 at sa Aguinaldo extension o bandang Cagayan museum dahil sa patuloy na pag-apaw ng tubig baha.

Naka-standby na rin ang mga emergency response units upang tugunan ang anumang insidente gaya ng paglikas sa mga residente sa mabababang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapaalalahanan naman ng alkalde ang mga residente na manatiling kalmado, mag-abang ng updates, at maghanda para sa kanilang kaligtasan habang binabantayan ng mga otoridad ang sitwasyon.

Samantala, nakapagtala ang NIA-MARIIS Dam and Reservoir Division ng unti unti nang pagbaba ng water inflow o pumapasok na tubig sa Magat Reservoir na umabot sa 2770 cubic meters per second (cms), kumpara sa mahigit 4K cubic meters per second na naitala kagabi dahil sa pag-ulan na dala ng bagyong Paolo.

Ang total outflow o ang pinapakawalang tubig ay nasa mahigit 2K mula sa anim na spillway gates na nakabukas na may kabuuang opening na 12 metro.

Sa ngayon ay nasa 185.22 meters above sea level (masl) na ang water elevation sa Magat.