Ibinunyag ng Central Intelligence Agency (CIA) na posibleng nagmula sa isang laboratoryo ang COVID-19 pandemic.
Sa loob ng ilang taon, hindi nagbigay ng pahayag ang CIA tungkol sa pinagmulan ng COVID-19 kung ito ba ay dulot ng isang aksidente sa laboratoryo o nagmula sa kalikasan.
Ngunit sa mga huling linggo ng administrasyong Biden, inutusan ni dating CIA Director William Burns ang mga analyst at siyentipiko ng ahensya na magbigay ng malinaw na paliwanag sa kanilang pagsusuri.
Hindi agad tumugon ang Chinese Embassy sa Washington sa kahilingan para magkomento.
Walang kalinawan kung ang CIA ay nakakuha ng bagong intelligence tungkol sa pinagmulan ng COVID-19 at kung paano ito nakatulong sa kanilang pinakahuling pagsusuri.
Mayroon ding bagong pag-aaral na nagsusuporta sa teorya na ang virus ay maaaring nagmula sa isang pamilihan sa Wuhan, China.
Samantala, patuloy na tinatanggi ng China ang teorya ng laboratory leak at inaakusahan ang U.S. ng pagpapolitika sa isyu, lalo na dahil sa imbestigasyon ng mga ahensya ng intelligence ng US.