Tuguegarao City- Pinagsama ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang kanilang dalawang programa upang matulungan ang mga negosyante at mamimili sa epekto ng krisis na dulot ng COVID-19.
Sa panayam kay Manilyn Ponce, tagapagsalita ng DTI Region 2, kabilang dito ang Otop Hub on Wheels at walang sayang project na makatutulong sa mga Micro Small and Medium Enterprises.
Sa pamamagitan aniya ng naturang hakbang ay maibebenta ng sabay ang mga processed products at raw material gaya ng gulay na produkto ng mga local farmers.
Sinabi pa nito na malaking tulong din ang naturang hakbang sa mga mamimili dahil mailalapit sa kanila ang mga murang produktong maaaring bilhin.
Dalawang beses sa isang buwan namang isinasagawa ng DTI Region 2 ang proyekto sa kanilang mismong tanggapan at ipinasisiguro ang pagpapatupad ng mga panuntunan laban sa banta ng COVID-19.