Umaabot na lamang sa labing-pitong aktibong kaso ng COVID-19 ang naka-confine ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CVMC Chief Dr Glenn Mathew Baggao na sa naturang bilang ay 15 ang mula sa Cagayan habang dalawa sa Isabela.
Bukod dito, labing-dalawa ang suspected cases o nag-aantay sa resulta ng kanilang swab test.
Kasabay ng pagbaba ng bilang ng hawaan, sinabi ni Baggao na may mga araw na naitala ang zero COVID-19 patient admission habang minsay isa lang ang admission.
Nakaluwag na rin sa “workload” ang mga healthworkers kung saan naibalik na rin ang mga nurses at nursing aide sa kanilang regular assignments, kasabay ng muling pagbubukas ng “Out Patient Department”.
Mabilis na rin na nakukuha ang resulta ng mga dinadalang samples sa CVMC molecular laboratory dahil nasa 150 na lamang kada araw ang pinakamataas na isinasailalim sa test.
Gayunman, bukas pa rin ang naturang referral hospital sakaling may dumating na COVID-19 patient pero binawasan na sa 100 ang mga nakalaang kama na posibleng mabawasan pa sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyan, mas maraming pasyente aniya ang tumutungo sa CVMC dahil naman sa mga non-COVID problems at mga naantala ang operasyon dahil sa surge ng delta variant.
Ayon kay Baggao, sinasamantala ng non covid patients para magpa medical at mag-follow up sa kanilang karamdaman dahil sa mababang bilang ng COVID-19 admission.
Samantala, tuluy-tuloy din ang bakunahan ng 1st at 2nd dose para sa general population at edad 12 hanggang 17 sa CVMC.
Sa katunayan ay handa na rin ang naturang pagamutan sa 2nd tranche ng isasagawang Bayanihan Bakunahan na isasagawa sa Dec 15 hanggang 17 ngayong taon kung saan nagdagdag na rin sila ng vaccination team.