
Patuloy na nilalabanan ng mga bumbero ang pinakamalaking wildfire na naitala sa kasaysayan ng Belgium, na umabot na sa 3,000 ektarya ang nasunog at papalapit sa hangganan ng Germany.
Nasusunog ang High Fens, isang nature reserve sa silangang bahagi ng bansa, mula pa noong Biyernes. Katuwang ng mga bumbero ang militar, mga magsasaka at mga responder mula sa Germany at Luxembourg sa pag-apula ng apoy.
Ayon sa mga awtoridad, nakatutok ngayon ang mga responder sa bahagi ng apoy na patungo sa Germany, habang inaasahang makatutulong ang mas malamig at mas mahalumigmig na panahon sa pagkontrol sa wildfire.
Samantala, inilikas ang ilang residente sa mga lugar malapit sa hangganan dahil sa makapal na usok. Sinabi ng mga awtoridad na wala pang bahay ang naapektuhan, ngunit nananatiling mataas ang antas ng usok at hindi pa pinababalik sa kanilang mga tahanan ang mga inilikas.




