Tuguegarao City- Naitala kahapon, Enero 18, ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa loob ng isang araw sa lalawigan ng Kalinga.
Ito ay matapos na magpositibo sa virus ang 108 na indibidwal kung kaya’t sa kasalukuyan ay pumalo na sa 340 ang active cases ng COVID-19 sa naturang probinsya.
Sinabi ni Dionica Alyssa Mercado, Tagapagsalita ng Kalinga Provincail Government, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng local transmission sa lugar.
Kabilang sa mga binabantayan ngayon ay ang Tabuk City na may 53 cases, tig-walo sa Rizal, Tanudan at Pasil, 20 sa Balbalan, dalawa sa Pinukpuk, Apat sa Tinglayan at lima naman sa Lubuagan.
Paliwanag nito, malaki ang pagtaas ng kaso ng virus sa kanilang probinsya matapos ang pagdiriwang ng holidays season at batay na rin ito sa resulta ng ginagawang contact tracing.
Dahil dito ay isinailalim naman sa lockdown ang apat na barangay sa Tabuk City na kinabibilangan ng Bulanao Centro, Bulanao Norte, Agbannawag at Bago Dangwa kasama na ang Brgy. Poblascion at Talalang sa Balbalan.
Sa kanilang huling datos, sumampa na sa 988 ang mga tinamaan ng sakit sa kanilang lugar, 647 dito ang recovered at dalawa ang bilang ng mga nasawi.
Samantala, pansamantala din aniyang sinuspindi ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang pagdiriwang ng Bodong festival bilang pag-iingat sa banta ng sakit.
Bukod dito, magsasagawa na lamang aniya sila ng simpleng selebrasyon ng 26th founding anniversary ng probinsya ng Kalinga sa Feb. 14 sa pamamagitan ng thanks giving mass.
Sinabi niya na limitado din ang papayagang dumalo upang masunod ang mga precautionary measures laban sa COVID-19.