
Inihayag ni US President Donald Trump na nawasak na ang pinakamataas na tulay sa Iran, ilang oras matapos niyang bantaan na bobombahin ang bansa “pabalik sa Stone Age.”
Ayon kay Ghodratollah Seif, deputy governor ng Alborz province, walong katao ang nasawi at 95 ang nasugatan sa pag-atake sa B1 bridge sa lalawigan ng Alborz.
Ang tulay ay matatagpuan sa Karaj, humigit-kumulang 35 kilometro timog-kanluran ng Tehran.
Nagbahagi si Trump ng video sa social media na nagpapakita ng usok mula sa tulay at nagbabala na mas marami pang pag-atake ang isasagawa kung hindi makikipagkasundo ang Iran upang tapusin ang limang linggong digmaan.
Iginiit niya na panahon na para makipagkasundo ang Iran bago tuluyang masira ang bansa.
Samantala, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na ang pag-atake sa mga sibilyang imprastraktura, kabilang ang hindi pa tapos na tulay, ay hindi magpapasuko sa mga Iranian.
Aniya, ipinapakita lamang nito ang kahinaan at moral na pagbagsak ng kalaban.
Nauna nang iniulat ng Iranian state television na dalawang beses na tinamaan ng US at Israel ang tulay, kabilang ang isang pag-atake habang tumutulong na ang mga rescue team sa mga biktima sa unang strike.
Ang B1 bridge, na nasa konstruksyon pa lamang, ay sinasabing pinakamataas sa Middle East, na may taas na humigit-kumulang 136 metro.
Sa isang talumpati noong Miyerkules, sinabi ni Trump na malapit nang matapos ang digmaan na inilunsad ng US at Israel noong Pebrero 28, ngunit muli rin niyang binantaan ang Iran na haharap sa mas matinding pambobomba kung hindi ito susunod sa kanyang mga hinihingi.










