Pumanaw na ang pinakamatandang tao sa mundo.
Namatay si Tomiko Itooka sa edad na 116 sa isang nursing home sa Ashiya, Hyogo, Japan, noong December 29, 2024.
Subalit, inihayag lamang ang kanyang pagpanaw nitong araw ng Sabado, January 4.
Dinaluhan ng malalapit na kamag-anak at mga kaibigan ang funeral ni Tomiko.
Idineklara ng Guinness World Records si Tomiko na nabubuhay na pinakamatandang tao sa mundo kasunod ng pagpanaw ng dating record holder na si Maria Branyas, na namatay sa Spain sa edad na 117 noong August 19, 2024.
Batay sa profile ni Tomiko, siya ay ipinanganak noong May 23, 1908 sa Osaka, Japan.
Ibig sabihin, siya ay anim na taong gulang na noong sumiklab ang World War I noong 1914, na tumagal hanggang 1918.
Volleyball player si Tomiko noong siya ay nasa high school at sinasabing inakyat niya ng dalawang beses ang Mount Ontake, na itinuturing na ika-14 na pinakamataas na bundok at ikalawang pinakamataas na bulkan sa Japan.
Nag-asawa siya sa edad na 20, nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki at dalawang babae.
Noong World War II, pinamahalaan ni Tomiko ang textile factory office ng kanyang asawa.
Pagkatapos ng pagkamatay ng kanyang asawa noong 1979, mag-isa siyang nanirahan sa Nara.
Inulila ni Tomiko ang isang anak na lalaki, isang anak na babae, at limang apo.
Paborito umano ni Tomiko ang saging at Calpis, isang yogurt-flavored drink sa Japan.
Kasunod ng pagpanaw ni Tomiko, hawak na ngayon ni Inah Canabarro Lucas, isang madre sa Brazil ang titulo na oldest living person sa mundo sa edad na 116.