TUGUEGARAO CITY-Inaasahan na magkakaroon na ng pinal na desisyon ang Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) sa araw ng Lunes, sa oras na aprubahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang rekomendasyon ng Local Government Unit(LGU) Tuguegarao na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod.
Sa naging panayam kay Mayor Jefferson Soriano, kung sakali na maaprubahan ang naturang rekomendasyon, sampung araw itong ipapatupad na magsisimula sa Marso 30, 2021.
Ayon sa alkalde, ang hakbang na ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng kaso ng covid-19 sa lungsod kung saan batay sa pinakahuling datos ay umabot na sa 513 ang bilang ng mga aktibong kaso sa lungsod.
Aniya, punuan na rin ngayon ng covid-19 patients ang Cagayan Valley Medical Center, mga private hospital maging ang mga isolation facility sa lungsod.
Dahil dito, kailangan na isailalim sa ECQ ang lungsod para makontrol ang paglabas ng publiko sa kanilang mga tahanan at para maiwasan ang hawaan sa virus.
Tiniyak naman ng alkalde na mayroon ng nakahandang tulong para sa mga labis na maaapektuhan kung sakali na isailalim sa ECQ ang lungsod.
Pinayuhan din ni Soriano ang mga empleyado sa mga pampubliko at pribadong tanggapan na iwasan muna ang sabay-sabay na kakain dahil karamihan sa mga nagpositibo sa ngayon ay nahawa sa mga katrabaho.
Dagdag pa ni Mayor Soriano na kailangan ay agad na mag-isolate ang mga empleyado kung sakali na magkaroon ng contact sa isang positibo sa virus para matiyak na hindi na kakalat ang nakamamatay na sakit.
Samantala, sinabi ni Soriano na batay sa kanyang pakikipag-usap sa pamunuan ng simbahang katolika, suspendido ang lahat ng mga religious activities ngayong semana santa bilang pag-iingat sa virus.
Sarado rin aniya ang lahat ng simbahan sa lungsod sa buong pagdiriwang ng mahal na araw kung kaya’t inanyayahan ang lahat na makiisa sa mga isasagawang misa sa pamamagitan ng online.