
Dalawang gintong medalya ang nasungkit ng Pilipinas sa Karate One Youth League na ginanap mula Mayo 14 hanggang 17 sa SM Mall of Asia Arena.
Nagwagi si Kathleya Ealaine Bustamante sa U14 kumite female 47kg division matapos talunin si Ana Jovic ng Australia sa iskor na 6-2 sa championship match.
Samantala, nag-uwi rin ng gintong medalya si Franzcis Eri Jud Abundo matapos dominahin si Wan Azlee Khairi Bin Wan Zuraimi ng Brunei, 7-0, sa U14 kumite male 40kg final.
Sa iba pang laban, nasungkit ng Japan ang titulo sa U14 kata female division matapos talunin ni Kyoka Okamoto ang Filipina na si Alexa Rae Vallesteros, habang nanaig naman si Moayad Alqahtani ng Saudi Arabia laban kay Dean Caleb Montalbo ng Pilipinas sa U14 kata male final.




