Nanalo si Filipino Olympic bronze medalist Eumir Marcial laban kay Eddy Colmenares ng Venezuela sa co-main event ng 50th anibersaryo ng Thrilla in Manila kagabi.

Nakamit nito ang majority decision matapos ang 10 round na laban.

Bahagyang nahirapan si Marcial matapos na ito ay napatumba ng dalawang beses, na una ay sa round 3 at pangalawa ay sa round 10.

Sa ilang natitirang segundo ng last round ay agad na bumangon si Marcial at pinaulanan ng suntok ang Venezuelan boxer.

Isang judge ang nagbigay ng 94-94 na puntos habang dalawa naman ay 95-93 na pumabor kay Marcial para makuha nito ang bakanteng WBC international middleweight title.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroong ng record si Marcial na pitong panalo at walang talo na may apat na knockouts habang si Colmenares ay mayroong 11 panalo tatlong talo na may 11 KO.

Napanatili naman ni Melvin Jerusalem ang kaniyang WBC minimumweight matapos na talunin si South African challenger Siyakholwa Kuse.

Nakuha ni Jerusalem ang unanimous decision kung saan lahat ng mga judges ay pumabor sa kaniya matapos ang 12 round laban.

Hindi ininda ng 31-anyos na si Jerusalem ang bilis ng mas batang boksingero at ito ay nakipagsabayan.

Mayroon ng record si Jerusalem na 25 panalo, tatlong talo na 12 knockouts habang si Kuse ay mayroong siyam na panalo, dalawang talo at isang draw na may apat na knockouts.

Samantala, nagtapos sa draw ang laban ng apo ni boxing legend Muhammad Ali na si Nico Ali Walsh.

Nakaharap niya si Kittisak Klinson ng Thailand.

Matapos ang walong round na laban ay nagbigay ng 77-75 ang isang judge kay Klinson habang 76-76 naman ang dalawang judge na nagresulta sa majority draw.

Sinabi ni Walsh na labis siyang nasiyahan dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy fans at inialay ang laban sa lolo nitong boxing legend.

Maguguntang 50 taon ang nakakaraan ng ginanap sa Pilipinas ang makasaysayang paghaharap ni Muhammad Ali ng matagumpay nitong naidepensa ang kaniyang WBC world heavyweight title laban kay Joe Frazier.

Kabilang ang laban ni Walsh sa mga laban ng ilang mga bigating boksingero ng bansa gaya nina Eumir Marcial at Melvin Jerusalem.