Inaresto ng mga awtoridad sa California ang isang 28-anyos na Pilipinong greencard holder na si Mark Lorenzo Villanueva dahil sa umano’y pagpapadala ng salapi sa mga sinasabing miyembro ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon sa US Department of Justice, si Villanueva ay nahaharap sa kasong “attempting to provide material support to a foreign terrorist organization,” na may katumbas na parusang hanggang 20 taon sa federal prison.
Lumabas sa tala ng isang money transfer firm na nakapagpadala siya ng kabuuang $1,615 sa loob ng limang buwan sa pamamagitan ng dalawang intermediary na tumanggap ng pera sa ibang bansa.
Ayon sa imbestigasyon ng FBI, si Villanueva ay aktibong nakipag-ugnayan sa social media sa mga indibidwal na nagpapakilalang ISIS fighters.
Sa kanilang pag-uusap, nagpahayag umano si Villanueva ng intensyong suportahan ang grupo, kabilang ang pagpapadala ng pera para sa mga kagamitang pandigma.
Bukod dito, sinabi pa raw ni Villanueva sa isang mensahe na nais niyang sumama sa pakikidigma at mamatay para sa paniniwala, aniya: “It’s an honor to fight and die for our faith.”
Narekober din ng FBI mula sa kanyang silid ang isang bagay na pinaghihinalaang bomba.
Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng insidente.