Isinulat ang pangalan ni Police Colonel Pergentino “Bong” Malabed Jr. sa makeshift memorial matapos na mailathala sa mga pahayagan na kabilang siya sa 64 na pasahero na sakay ng American Airlines Flight 5342, na nakabanggaan ng military helicopter ilang milya ang layo mula sa Reagan National Airport.
May isinabit din na watawat ng Pilipinas sa nasabing memorial.
Binisita ng asawa ni Malabed na si Rio ang makeshift memorial kasama ang pamilya ng iba pang biktima.
Pumunta sa Washington si Rio pa kilalanin ang kanyang asawa pagkatapos ng plane crash.
Dumalo kahapon si Rio at mga pamilya ng iba pang biktima sa briefing, kung saan ipinaliwanag ng mga awtoridad ng Washington, D.C. ang recovery process para sa 12 katawan na hinahanap pa ng search and recovery team sa Potomac River.
Kasama rin sa briefing ang identification procedures at kung paano ipapasakamay sa mga pamilya ang mga labi ng kanilang mga kaanak.
Kahapon din ay isinulat ang pangalan ni Malabed sa ginawang kahoy na krus ni Robert Marquez mula sa Dallas, Texas, bilang pagkilala sa mga biktima ng trahedya.
Inaasahang bukas, oras sa Pilipinas, makikita at makikilala ni Rio ang mga labi ng kanyang asawa, na ngayon ay nasa kustodiya ng medical examiner sa Washington, D.c.